Mariing pinabulaanan ni Atty. Harry Roque, dating Spokesperson ni former President Rodrigo Roa Duterte na ‘denied’ ang kanyang aplikasyon asylum.
Itinuring ni Atty. Roque bilang ‘fake news’ ang pahayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla patungkol sa kanyang aplikasyon.
Nitong umaga kasi ay kinumpirma mismo ng naturang kalihim na nabasura na ang ‘asylum application’ ng dating presidential spokesperson sa bansang Austria.
Ayon kay Sec. Remulla, ito’y dahil paso na ang aplikasyon o lagpas 5 buwan na bago tuluyan maresolba o magkaroon ng desisyon.
Kaya’t kung may ‘red notice’ na aniyang inisyu ang INTERPOL o International Criminal Police Organization ay posibleng kuhain at pauwiin na siya ng estado ng Pilipinas.
Gayunpaman, babalikan pa muna ng kalihim ang usapin ‘red notice’ para matiyak at makumpirmang mayroon na nga bang inisyu ang INTERPOL.
Kaugnay dito’y binigyang diin naman ni Atty. Harry Roque na walang ganitong ‘rule’ o panuntunan sinusunod ang nabanggit na bansa.
Hindi umano totoo na awtomatikong hahantong sa ‘denial’ o pagkakabasura ng aplikasyon kung ang proseso ay umabot na ng 6 na buwan.
Ayon sa abogado, ang kanyang ‘asylum application’ sa Austria ay nasa ‘submitted for resolution’ stage na kung saan inaabangan ang magiging desisyon ng mga awtoridad.
Patuloy aniyang hihintayin ang ilalabas nitong opisyal na desisyon patungkol sa kanyang aplikasyon sapagkat Austrian Authorities ang siyang makapagsasabi kung ito’y pinagbigyan o ibinasura.
Kaya’t anuman impormasyon nagsasabing ‘denied’ na ang kanyang asylum application nang hindi nanggagaling sa awtoridad ng bansa ay maituturing hindi totoo at ‘misleading’.
Hinimok niya ang mga pampublikong opisyal na iberipika muna ang mga impormasyon bago magbahagi ng pahayag na sakop na sa hurisdiksyon ng ibang bansa.
Paalala niya sa publiko na mag-ingat sa pagkalat ng ‘fake news’ kahit pa nanggaling maging sa mga opisyal ng gobyerno.
Si Harry Roque ay nahaharap sa kasong ‘qualified human trafficking’ may kinalaman sa umano’y operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations sa Pampanga.















