Sa pulong balitaan na isinagawa sa Camp Crame sa Quezon City, sinabi ni Department of Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na ipatutupad ng mga awtoridad ang Red Notice laban kay dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque sakaling ito ay maipalabas ng Interpol.
Ayon kay Remulla, tapos na ang limang buwan na panahon para sa asylum application ni Roque sa Austria at na-deny na umano ang kanyang aplikasyon.
“Kung may Red Notice na, kukunin ko siya,” pahayag ni Remulla.
Samantala, mariing itinanggi ni Roque ang pahayag ng kalihim at tinawag itong fake news. “For the nth time, Secretary Jonvic Remulla has publicly claimed that my application for asylum in Austria has been denied. This is fake news.” saad ni Roque.
Iginiit din ng abogado na hindi awtomatikong nangangahulugang denied ang isang asylum application dahil lamang sa lumampas na sa anim na buwan nang walang desisyon. “Secretary Remulla claims that my asylum application should be considered denied because it was supposedly not acted upon within six months. There is no such rule that automatically converts the passage of six months into a denial of an asylum application.” dagdag pa ni Roque
Iginiit ni Roque na nakasumite na para sa resolusyon ang kanyang aplikasyon at hinihintay pa rin niya ang opisyal na desisyon ng Austrian asylum authorities.
Ayon kay Roque, hangga’t walang pinal na desisyon mula sa mga awtoridad ng Austria, mali at mapanlinlang umano ang pagsasabing na-deny na ang kanyang asylum application.
















