Naniniwala si Professor Dennis Coronacion na hindi bababa sa 50% ng mga miyembro ng Kamara de Representantes ang boboto para ituloy sa trial ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Malaki rin ang posibilidad na higit pa rito ang susuporta, ayon sa political analyst.
Ang mataas na suporta ay kasunod ng umano’y pagbabago ng isip at desisyon ng mga kasalukuyang miyembro ng 20th Congress hinggil sa impeachment complaint.
Paliwanag ni Coronacion, lumalabas kasi na bumababa ang suporta sa complaint nitong mga nakalipas na buwan ngunit matapos ang mahabang deliberasyon ng House panel ay mistulang bumalik na muli ang suporta ng mga mambabatas.
Naniniwala si Coronacion na makakalusot sa mababang kapulungan ang impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo.
Bago nito ay tinataya ng ilang lider ng Kamara na aabot sa hanggang 200 mambabatas o higit pa ang susuporta sa complaint laban kay VP Sara upang tuluyan itong umusad sa full trial.
Ito ay malayong mas mataas kumpara sa kinakailangang 106 votes.
















