Tahasang sinabi Vice President Sara Duterte na umano’y kapos na sa pondo ang Pilipinas, kasabay ng pagbanggit sa isang memorandum mula sa Department of Budget and Management (DBM) na nag-uutos na bilangin ang savings ng mga ahensya ng gobyerno.
Sa isang panayam noong Mayo 5, sinabi ng Bise Presidente na “wala na” ang pondo ng bansa nang sagutin ang tanong ng isang overseas Filipino worker (OFW) tungkol sa kalagayan ng ekonomiya ng Pilipinas.
Ayon kay Sara Duterte, nakatanggap umano ang Office of the Vice President (OVP) ng kautusan na i-account ang savings ng bawat tanggapan upang matukoy ang natitirang pondo ng pamahalaan.
Binigyang-diin din niya ang umano’y “triple whammy” ng pagtaas ng presyo ng gasolina, paghina ng piso, at inflation, na aniya’y dapat tugunan upang maprotektahan ang mga mahihirap.
Samantala, agad itong pinabulaanan ng Malacañang, na iginiit na may mga umiiral na programa na pang-ekonomiya ang pamahalaan.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, may mga hakbang na ang administrasyon para tulungan ang iba’t ibang sektor, kabilang ang mga OFW.
Binanggit pa ni Castro na agad na nag-utos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Pebrero para sa repatriation at tulong sa mga OFW sa gitna ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Dagdag pa ng Palasyo, may umiiral ding fuel subsidies, TUPAD emergency employment program, at UPLIFT initiative para sa mga sektor tulad ng transport workers.
Pinuna rin ni Castro ang madalas na biyahe ng Bise Presidente, na aniya’y maaaring dahilan kung bakit hindi nito nakikita ang mga programang ipinatutupad ng gobyerno.
“‘Yun po kasi ang nagiging problema sa isang opisyal na laging naka-bakasyon,” ani Castro.
Sa kasalukuyan, nasa The Hague si VP Sara upang bisitahin ang kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nakakulong at nahaharap sa kaso sa International Criminal Court para sa crimes against humanity.
















