Kasalukuyang nang nakakulong sa New Quezon City Jail ang apat pang kapwa akusado ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. may kaugnayan sa ghost infrastructure projects sa Pandi, Bulacan.
Kabilang dito ang mga dating opisyal at engineers ng DPWH na sina Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, Arjay Domasig, at Juanito Mendoza.
Bandang alas–5:25 ng hapon nitong Martes, Enero 20 nang dumating sila sa Quezon City Jail Male Dormitory sakay ng isang government van.
Ang mga akusado ay dating nakakulong sa Senado matapos ma-cite in contempt ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects sa Bulacan.
Ang pag-aresto sa kanila ay alinsunod sa warrant na inilabas ng Sandiganbayan Third Division laban kay Revilla at anim pang iba.
Ayon sa Office of the Ombudsman, pinaghihinalaang nagsabwatan ang mga akusado upang ilabas ang mahigit P76 milyong pondo para sa isang infrastructure project sa Pandi, Bulacan na iginawad sa isang pribadong kontratista noong Marso 2025.
Samantala, naaresto na sa Benguet ang isa pang akusado na si Christina Mae del Rosario, habang patuloy namang pinaghahanap ang DPWH engineer na si Emelita Capistrano Juat.
















