-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Malapit nang mabigyang katuparan ang hangaring gawing world-class cruise destination ang Isla ng Boracay.

Ayon kay Mr. Niven Maquirang, Executive Assistant to the Office of the Provincial Governor at Officer-In-Charge ng Cruise Ship Operations sa Aklan na ang proyektong gawing pangunahing cruise ship hub ang isla sa buong Pilipinas sa pamamagitan ng “Cruise and Fly” concept ay na-materialize may limang taon na ang lumipas.

Hindi aniya ito naisulong noon dahil sa kakulangan ng pondo.

Tinatayang P300 milyon ang inilaang pondo ng provincial government para sa proyektong Cruise/ Sheltered port sa Brgy. Caticlan, Malay at dagdag na P810 milyon mula sa Philippine Ports Authority o may kabuuang P1.1 bilyon.

Patuloy umano ang kanilang pag-asikaso sa mga kinakailangang dokumento lalo na ang Environmental Compliance Certificate (ECC) upang masimulan na ang
proyekto.

Kasama sa proyekto ang sariling dock facility para sa mga malalaking cruise ship sa Caticlan upang hindi na kailangang dumaong sa gitna ng dagat.

Sa sistemang “cruise and fly,” magta-travel muna by-air ang mga turista papuntang Boracay, mananatili doon ng isa o dalawang araw at pagkatapos ay sasakay sa cruise ship papunta sa susunod na destinasyon.

Makakatulong aniya ang cruise ship hub upang makagawa ng dagdag na trabaho at mapataas ang kita ng mga lokal na producer gayundin na mapa-angat ang standard sa turismo.

Sa kasalukuyan ay isang team ang binuo ni Aklan Governor Joen Miraflores na tututok sa implementasyon ng proyekto.

Nasa 17 cruise ship ang inaasahang dadaong sa Boracay ngayong 2026.