-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Justice na sila’y maghahain ng petisyon para sa ‘extradition’ ng nakadeteneng si Pastor Apollo Quiboloy. 

Ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida, malapit na umanong ihain ng kagawaran ang naturang petisyon sa kaukulang hukuman. 

Nasa ‘final stages’ na aniya ito at kasalukuyang isinasailalim sa ‘legal scrubbing’ upang maisapinal ang ihahaing petisyon ng DOJ. 

Dagdag pa ng kalihim, makatitiyak umano na ang gobyerno ng bansa ay tatalima sa ‘extradition treaty’ ng Pilipinas sa Estados Unidos. 

Kanya ding binanggit ang mas malinaw nang panuntunan ng Korte Suprema kaugnay sa pagpapatupad o proseso ng ‘extradtion’. 

Bagama’t inihayag na sila’y maghahain na ng petisyon, hindi na nagbahagi pa ng tiyak na petsa o ‘timeline’ ang kalihim kung kailan ito mangyayari. 

Ngunit makakaasa naman umanong ‘within the year’ o ngayong taon 2026 maihahain ang petisyon sapagkat hindi raw nila kontrolado ang lahat nangyayari sa proseso. 

Basta’t aniya’y nasa ‘final stage’ na ang petisyon para sa kahilingan na ma-extradite ang naturang pastor. 

Si Pastor Quiboloy ay nahaharap sa kasong qualified human trafficking, child abuse at sexual abuse sa bansa. 

Habang sa Estados Unidos nama’y mga kasong sex trafficking at sexual abuse trafficking ng mga menor de edad.