-- Advertisements --

Nagtungo sa Sandiganbayan ang dalawa pang naarestong akusado sa umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan nitong umaga ng Miyerkules, Enero 21.

Ito ay sina Engr. Emelita Juat at Christina Pineda. Ineskortan sila ng PNP-Crimnal Investigation and Detection Group at Bulacan Provincial Police patungo sa Sandiganbayan Third Division.

Alinsunod sa commitment order ng korte, dadalhin ang dalawa sa Quezon City Jail Female dormitory sa Camp Caringal.

Ang akusadong si Pineda ay ang cashier ng DPWH Bulacan First District Engineering Office. Naaresto siya nitong Martes sa isang checkpoint sa Benguet habang tinatangkang iwasan umano ang mga awtoridad subalit base sa abogado ni Pineda sumuko umano ang kaniyang kliyente sa mga awtoridad.

Ang isa pang akusado na si Juat ay naaresto rin ng mga awtoridad sa parehong araw, subalit iginigiit din ng kaniyang kampo na sumuko siya sa Bulacan Provincial Police.

Sa ngayon, naaresto na ang lahat ng anim na kapwa akusado ni dating Senator Ramon “Bong” Revilla sa kasong malversation kaugnay sa maanomaliyang proyekto sa Bulacan.

Kabilang dito sina Assistant District Engr. Brice Hernandez, Engr. Jaypee Mendoza, Engr. Arjay Domasig at Juanito Mendoza, na magkakasamang nakadetine sa QC Jail sa Payatas.

Nakatakdang simulan ang pre-trial at pagbasa ng sakdal sa lahat ng akusado sa Biyernes, Enero 23.