Tinutulan ng grupo ng mga manggagawa at negosyante ang four-day workweek sa mga ahensiya ng gobyerno na epektibo na ngayong Lunes, Marso 9.
Ayon kay Santiago Dasmariñas Jr., presidente ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees, bagamat may ilan sa kanila ang pabor sa biglaang direktiba, sa kabuuan aniya ay hindi ito tumutugon sa tunay na pangangailangan ng mga empleyado ng gobyerno.
Aniya, bigo umano ang polisiya ng Pangulo na ikonsidera ang milyong job order at kontraktwal na mga manggagawa sa gobyerno, na nasa ilalim ng “no work, no pay” policy at siyang higit na mahihirapan sa ganitong panahon ng krisis.
Sa datos ng Civil Service Commission (CSC) noong nakalipas na taon, mayroong mahigit 900,000 job workers at contract of service workers ang gobyerno sa buong bansa.
Giit ng labor group president na ang higit na kailangan ngayon ng mga manggagawa at mamamayan ay economic relief at protection na maaari aniyang magawa sa pamamagitan ng pansamantalang pagtanggal ng excise tax sa mga produktong petrolyo at value-added tax sa mga paninda at serbisyo.
Ipinunto naman ni Kilusang Mayo Uno chair Jerome Adonis, na maaaring humantong sa doble o tripleng pagkapagod ng mga empleyado kung papaiksiin sa apat na araw kada isang linggo ang pasok sa trabaho dahil sa pagpapalawig ng oras sa trabaho ng hanggang 12 oras kada araw.
Samantala, ipinayo naman ng pinakamalaking grupo ng mga negosyante sa bansa na Philippine Chamber of Commerce and Industry, na maaaring iakma ang naturang polisiya sa pangangailngan ng mga industriya.















