-- Advertisements --

Nakukulangan umano ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) at Employers Confederation of the Philippines (ECOP) sa aksyon ng Administrasyong Marcos sa mga personalidad na sangkot sa anomalya.

Aminado si PCCI at ECOP Director Butch Guerrero na hindi pa rin siya kuntento sa mga aksyon ng administrasyon ilang linggo mula nang mabunyag ang malawakang korapsyon sa mga flood control project sa bansa.

Giit ni Guerrero, hindi umuusad ang mga pangyayari kahit pa marami nang ebidensyang lumalabas kaugnay sa malawakang katiwalian sa bansa.

Mabagal din aniya ang pagtugon sa mga pulitiko, gayong mabilis naman ang pagpapatupad ng mga hakbang tulad ng pag-freeze ng bank accounts kapag mga negosyante ang sangkot.

Umapela si Guerrero sa pamahalaan na bilisan ang pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot sa anomalya at gamitin ang mga nalikom na ebidensiya upang agad mapakulong ang mga ito.

Hiniling din ng dalawang grupo na bilisan ang paghahabol sa mga nawalang pera, habang tinatangka ng mga sangkot na personalidad na umalis ng bansa.

Giit ng PCCI at ECOP, maraming paraan upang maibalik pa sa gobiyerno ang mga nawalang pera, basta’t gugustuhin at ipupursige ito ng pamahalaan.