-- Advertisements --

Tinanggihan ng Sandiganbayan ang mosyon ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na humihiling ng pag-inhibit ni Associate Justice Karl Miranda sa kasong malversation na isinampa laban sa kanya, dahil sa kawalan ng sapat na batayan.

Sa resolusyon na may petsang Pebrero 10, sinabi ng anti-graft court na tungkulin ni Justice Miranda na ipagpatuloy ang pagdinig sa kasong may kaugnayan sa umano’y ₱92.8 milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Ayon sa korte, ang pag-inhibit nang walang malinaw na patunay ng pagkiling o personal na interes ay magbubukas sa forum-shopping at sisira sa mabilis at patas na paghahatid ng hustisya.

Una nang hiniling ng kampo ni Revilla ang pag-atras ni Miranda dahil ang kapatid ng mahistrado ay naging abogado ni dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo sa Senate inquiry sa flood control anomalies.

Si Bernardo ay isa na ngayong state witness sa naturang mga kaso.

Isiniwalat din ni Miranda na kaibigan niya ang lead counsel ni Revilla na si Atty. Ramon Esguerra, subalit iginiit ng Sandiganbayan na ang mga patakaran sa inhibition ay dapat ipatupad nang may maingat na pagsasaalang-alang sa pagiging patas at integridad ng hukuman.

Bunsod nito, tuluyang ibinasura ng korte ang mosyon ni Revilla dahil sa kawalan ng merito.