-- Advertisements --

Mananatili si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa isang selda sa Payatas, Quezon City na may lawak na 47-square-meter at may kapasidad para sa sampung tao, ayon kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson J/Supt. Jayrex Bustinera,

Ito ay habang sumasailalim ang dating Senador sa pitong araw na medical quarantine, na isang mahalagang protocol ng BJMP para sa mga bagong preso upang maiwasan ang pagkalat ng sakit sa loob ng piitan.

Ang pansamantalang pananatili ni Revilla sa QC jail ay kasunod ng commitment order mula sa Sandiganbayan para sa kanyang pagkakakulong para sa kasong malversation may kaugnayan sa ghost infrastructure project sa Bulacan.

Ayon kay J/Supt. Bustinera, magkakasama sa selda habang sumasailalim sa quarantine period sina Revilla at apat pa niyang kapwa akusado na sina dating DPWH Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, Arjay Domasig at Juanito Mendoza.

Pagkatapos ng naturang proseso, saka aniya ihahalo sina Revilla sa general population ng QC jail na may 3,600 persons deprived of liberty (PDLs).

Nilinaw din ni J/Supt. Bustinera na hindi nila bibigyan ng espesyal na pribilehiyo si Revilla at susundin niya ang mga patakaran gaya ng pagbabawal sa paggamit ng cellphone, allowance na P100 kada araw para sa pagkain, at may itinakdang oras ng pagbisita.

Wala din aniyang aircon ang bawat selda at tanging dalawang bentilador lamang.

Binigyan din si Revilla ng dilaw na BJMP t-shirt tulad ng ibang preso pagkatapos ng booking at mugshot.

Samantala, kabuuang pitong DPWH officials na ang nakakulong sa naturang pasilidad mula Nobyembre 2025 dahil sa maanomaliyang flood control project sa Oriental Mindoro.