-- Advertisements --

Nagpasok ng not guilty plea ang Sandiganbayan Fourth Division para kay dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. matapos siyang tumangging magbigay ng plea sa kasong graft kaugnay ng umano’y ₱92.8 milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Franchesca Señga, tumanggi si Revilla na mag-plead upang panindigan ang kanilang motion to quash na kumukuwestiyon sa legalidad ng impormasyon isinampa laban kay Revilla, kahit pa ito ay ibinasura na ng korte.

Iginiit din ng kampo ng dating Senador na nilabag ang kanyang karapatan sa due process dahil hindi raw siya nabigyan ng pagkakataong tumugon sa updated resolution ng Office of the Ombudsman na nagtalaga sa kanya bilang respondent sa mga kaso. Ipinunto rin nila na hindi umano isang accountable officer si Revilla at ang mga alegasyon ay hindi bumubuo ng isang krimen.

Gayunman, sinabi ng Sandiganbayan Third Division na sapat ang mga alegasyon at maaari pa ring managot si Revilla dahil sa umano’y pakikipagsabwatan sa iba pang opisyal. Nilinaw rin ng korte na maaaring magsampa ang Ombudsman ng mga kasong iba sa unang tinukoy sa imbestigasyon.

Samantala, nagplead din ng not guilty sa kasong graft ang mga opisyal ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office na sina Engr. Arjay Domasig at Juanito Mendoza, gayundin ang iba pang akusado.

Nakatakdang isailalim sa pre-trial ang mga akusado sa Pebrero 27.