-- Advertisements --

Inihayag ng Malacañang na maaaring ituring na “breach of public trust’ kung may impormasyon si Vice President Sara Duterte tungkol sa posibleng digmaan sa Middle East noon pa ngunit hindi ito naiparating sa pamahalaan.

Ito ay kasunod ng pahayag ng Bise Presidente na matagal nang naririnig ang posibilidad ng gyera sa rehiyon, kahit noong 2022 pa.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, kung may ganitong impormasyon ang Bise Presidente, dapat sana itong naibahagi agad sa Pangulo at sa mga kinauukulang ahensya upang makapaghanda ang gobyerno.

Dagdag pa ng Malacañang, ang hindi pagbabahagi ng mahalagang impormasyon ng isang opisyal ng pamahalaan ay maaaring ituring na nonfeasance, o pagkabigong gampanan ang tungkulin sa publiko.

Binigyang-diin ni USec. Castro na noong 2022 ay magkasama pang nangangampanya sina Duterte at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ilalim ng UniTeam, kaya may pagkakataon umano ang Bise Presidente na maiparating ang naturang impormasyon sa Pangulo o sa Department of National Defense kung mayroon siyang ganitong kaalaman.