-- Advertisements --

Muling sumuko si Sen. Jinggoy Estrada sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos maglabas ang Sandiganbayan ng ikalawang warrant of arrest laban sa kanya para sa kasong plunder na hindi maaaring piyansahan.

Ang warrant ay kaugnay ng umano’y P573-milyong flood control projects na may bahid ng umano’y kickback schemes.

Ito na ang ikalawang warrant na inilabas laban kay Estrada sa loob lamang ng apat na araw.

Nauna nang nagbayad siya ng piyansa para sa kasong graft, ngunit ang bagong kasong plunder ay hindi pinapayagan ng batas na piyansahan.

Sa kanyang pahayag, iginiit ni Estrada na hindi niya gagamitin ang Senado bilang panangga laban sa mga alegasyon.

Aniya, karapatan niyang maghain ng motion for reconsideration dahil kamakailan lamang niya natanggap ang Ombudsman Resolution.

Dagdag pa ng senador, umaasa siya sa patas na pagtrato, due process, at pagiging walang kinikilingan sa pagdinig ng kaso.

Ito na ang ikatlong beses na nahaharap si Estrada sa kasong plunder.

Una noong jueteng case kasama ang kanyang ama, dating Pangulong Joseph Estrada, kung saan siya ay na-acquit noong 2007.

Ikalawa noong PDAF case kung saan siya ay naabsuwelto noong 2024.

Sa kasalukuyan, nakataya ang kalayaan ng Senado laban sa tinatawag ni Estrada na “political coercion.”

Samantala, ang muling pagsuko ng senador ay nagdadagdag sa kontrobersiya sa imahe ng mga mambabatas na nasasangkot sa malalaking kaso ng katiwalian.