-- Advertisements --

Naglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan Fifth Division laban kay Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng kasong plunder na may kinalaman sa umano’y P573 milyong kickbacks mula sa mga flood control projects noong 2025.

Ang warrant ay inilabas ilang araw matapos magpiyansa si Estrada sa hiwalay na kasong graft, kung saan nagbayad siya ng P90,000 para sa pansamantalang kalayaan.

Ayon sa ulat, ang kasong plunder ay non-bailable at maaaring humantong sa pagkakakulong ng habang-buhay kung mapatunayang guilty ang senador.

Kasama ni Estrada sa mga kinasuhan ang dating DPWH Secretary Manuel Bonoan at ilang opisyal ng DPWH-NCR na umano’y sangkot sa iligal na budget insertions at payout scheme.

Ito na ang ikatlong pagkakataon na naharap si Estrada sa kasong plunder.

Noong 2001, siya ay inaresto kaugnay ng jueteng scandal matapos ang pagpapatalsik sa kanyang ama na si dating Pangulong Joseph Estrada, ngunit naabsuwelto noong 2007.

Noong 2014, naharap din siya sa PDAF scam at nakapagpiyansa noong 2017.

Sa kabila ng bagong warrant, iginiit ni Estrada na walang basehan ang mga paratang at umaasa siya sa patas na pagdinig at hustisya.

Sinabi ng kanyang kampo na gagamitin nila ang lahat ng legal na remedyo upang kuwestiyunin ang kaso at ipakita ang ebidensyang magpapatunay ng kanyang inosensya.