-- Advertisements --

Iaapela ng kampo ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang desisyon ng Philippine National Police (PNP) na i-revoke o kanselahin ang lisensya at rehistro ng mga baril ng dating hepe ng pambansang pulisya.

Nanindigan ang kaniyang abogado na si Atty. Israelito Torreon na labag sa batas ang hakbang ng PNP. Ayon sa kaniya, kailangan ng pormal na parusa mula sa korte o conviction o isang opisyal na court order bago tuluyang mabawi ang lisensya ng isang indibidwal.

Giit pa niya na walang ganitong hatol o utos ang alinmang korte sa Pilipinas laban sa senador.

Nang tanungin kung may plano silang isuko ang mga armas, sinabi ni Atty. Torreon na ang huling pasya ay nakadepende pa rin kay Dela Rosa.

Kinumpirma naman ng Police Regional Office (PRO) 11 na pormal nang isinilbi at natanggap ng kampo ng senador ang revocation order para sa kaniyang License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at mga rehistro ng baril nitong Miyerkules, Mayo 27.

Ayon pa sa PRO 11, sinabi ng abogado ni dela Rosa na tatalakayin niya ito sa kaniyang kliyente at makikipag-ugnayan sa Regional Civil Security Unit (RCSU) 11 kaugnay ng rebokasyon ng mga lisensiya ng mga baril.

Ang pagbawi sa mga lisensya ay nag-ugat sa kasalukuyang pagtugis kay Dela Rosa sa gitna ng insyung arrest warrant sa kaniya ng International Criminal Court (ICC).