-- Advertisements --

Mahigit 85,000 katao sa lalawigan ng Aklan ang inaasahang direktang makikinabang mula sa ipinapatupad na ₱20 kada kilong bigas na programa ng pamahalaan.

Ito ay bilang pagtalima sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing mas abot-kaya para sa ordinaryong Pilipino ang presyo ng bigas.

Ayon kay Usec. Claire Castro, ang programang ito ay may layuning siguruhin ang seguridad sa pagkain at nutrisyon ng bansa, na isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga mamamayan.

Higit pa rito, bilang karagdagang suporta sa lalawigan ng Aklan, ang pamahalaan ay naglaan at nagpamahagi rin ng ₱70 milyong halaga ng tulong na nakalaan para sa sektor ng agrikultura, na naglalayong palakasin ang kanilang kakayahan at produksyon.

Kasama sa mga tulong na ipinamahagi ang mga traktora na makakatulong sa pagpapaunlad ng pagsasaka, mga farm inputs upang mapataas ang ani, mga composting facilities para sa masustansyang lupa, isang renewable energy system para sa sustainable na enerhiya, at mga bangkang pangisda para sa mga mangingisda ng Aklan.

Dagdag pa ni Usec. Castro, ang mga tulong at programang ito ay naaayon sa pangunahing layunin ng Pangulo na iangat ang dignidad ng mga magsasaka at palakihin ang kanilang produksyon sa pamamagitan ng modernisasyon at suporta.