-- Advertisements --

Binalaang muli ng pamunuan ng National Authority for Child Care ang publiko hinggil sa pagbebenta ng bata at ilegal na pag-aampon nito.

Sa isang pahayag ay sinabi ni NACC Undersecretary Janella Ejercito Estrada na mahaharap sa kaukulang parusa at pagkakakulong ang sinumang indibidwal o grupo na mapapatunayang nagbenta ng bata.

Parehong asunto rin ang kahaharapin ng mga ilegal na mag-aampon ng bata.

Hinimok rin ng National Authority for Child Care ang publiko na gawin na lamang ang legal na paraan sa pag-aampon sa pamamagitan ng NACC.

Pwede rin itong isagawa sa kaukulang Regional Alternative Child Care Office.

Nanindigan ang ahensya na may karapatan ang bawat bata na maging ligtas at mahalin kaya’t hindi ganun kadali ang proseso para na rin sa kanilang kaligtasan.

Bilang nakatatanda aniya, ang tanging responsibilidad natin ay igalang at protektahan ang kanilang pagkatao at karapatan.

Nanawagan ito sa lahat na i-sumbong sa kanilang ahensya ang kahina-hinalang pagbebenta at ilegal na pag-aampon ng bata na kanilang mamomonitor.