-- Advertisements --

Naglabas ng heatwave warnings ang Australian authorities sa ilang lugar sa bansa kasabay ng inaasahang milyon-milyong tao na dadalo sa Australia day.

Ayon sa Bureau of Meteorology, inaasahang aabot sa “high forties” Celsius ang temperatura sa Victoria at South Australia sa Martes.

Noong Linggo, naitala sa South Australia ang 48.5°C kung saan ibinabala ng mga awtoridad ang banta ng sunog sa ilang lugar.

Dahil sa matinding init, kanselado naman ang ilang selebrasyon ng Australia Day sa Adelaide, kabilang ang parada at light show.

Bukod sa Victoria at South Australia, kasama din sa heatwave warnings ang New South Wales, Queensland, Tasmania, Northern Territory, at Australian Capital Territory, kung saan mananatili ang babala hanggang sa araw ng Miyerkules.

Samantala, tinamaan naman ng Tropical Cyclone Luana ang ilang bahagi ng Western Australia nitong weekend, na nagdulot ng pinsala sa mga bahay at beach resort bago humina habang papaalis sa baybayin ng Australia.

Pinayuhan ang publiko na manatili sa malamig na lugar gaya ng bahay, library, community center, o mall, at isara ang bintana at kurtina upang maiwasan ang matinding init.