Idineklara na ang “severe to extreme” heatwaves sa bawat estado at teritoryo ng Australia maliban sa Queensland.
Kasalukuyan kasing dumaranas ng catastrophic fire conditions ang ilang lugar sa Australia at inaasahan pang tatamaan ng heatwaves ang karamihan sa mga lugar sa naturang bansa.
Tinatayang makakaranas din ng mataas na temperatura sa bansa sa mga susunod na araw.
Sa Biyernes, magdedeklara ang estado ng Victoria ng “total fire ban”, kasabay ng pagtataas sa fire danger rating sa “catastrophic”, ang pinakamataas na lebel. Isasarado rin ang nasa 450 paaralan at childcare centers.
Ngayong Huwebes, naging pahirapan sa mga bumbero ang pag-apula sa ilang sumiklab na sunog sa Victoria at New South Wales kung saan dose-dosenag eroplanong naglalaman ng tubig ang pinakalat para apulahin ang malalaking sunog malapit sa city ng Wodonga.
Ang Melbourne naman ay nakaranas ng pinakamainit na araw kahapon sa nakalipas na anim na taon na pumalo sa 40.9 degrees Celsius.
Ayon sa isang opisyal mula sa Bureau of Meteorology, sa araw ng Biyernes ang “real peak ng heatwave.” Bunsod nito, magiging napaka-init na araw ang mararanasan sa halos lahat ng lugar sa South Australia, Victoria, karamihan ng lugar sa New South Wales at ilang parte ng Tasmania.










