-- Advertisements --

Bumuwelta ang National Security Council (NSC) sa Chinese Foreign Ministry at sa Chinese Embassy in Manila kasunod ng mga serye ng ”undiplomatic” at hindi akmang pahayag ng mga ito laban sa Pilipinas at Philippine officials.

Kung babalikan ay parehong pinuna ng Chinese FM at Chinese Embassy ang ilang public officials ng Pilipinas na aktibong nagsasalita at naninindigan para sa West Philippine Sea.

Pinaalalahanan ng konseho ang China na ang Pilipinas ay isang malayang bansa at ginagabayan ng demokrasya at mga sarili nitong batas, at hindi nito kailangan ang approval ng ibang mga bansa.

Itinuturing din ng NSC ang mga kontrobersyal na public statement ng dalawang Chinese offices na pagmamalabis at hindi nararapat dahil hindi ito simpleng pagpuna lamang sa isang opisyal kungdi mistula ring pagpuna sa mga institusyon na kanilang kinaaaniban.

Giit ng konseho, ang mga public statement na nanghihiya, nagbabanta, o nagtatangkang patahimikin ang mga Philippine official na gumagampan lamang sa kanilang sinumpaang tungkulin ay hindi tugma at sadyang paglabag sa mga itinatakda ng Vienna Convention on Diplomatic Relations.

Muling ipinagdiinan ng PH government ang naging ruling ng independent tribunal na nabuo sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea na pumapabor sa Pilipinas at nagbabasura sa gawa-gawang nine-dash line ng China.

Ito ay patunay, ayon sa NSC, ng karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea, na pangunahing paksa ng mga kontrobersyal na pahayag, kapwa ng China at ng Philippine officials.