-- Advertisements --

Nagpaalala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa lahat ng foreign nationals na kinakailangan na ang kanilang visit clearance bago makapasok at makagamit ng mga recreational facilities ng kampo militar, kabilang ang golf courses, kasunod ng mga ulat ng espionage na may kaugnayan sa China.

Bahagi ng umiiral na polisiya ng AFP ang clearance requirement para sa sinumang nagnanais na makapasok sa mga military installations. Hinikayat ang mga dayuhan na planong gamitin ang mga pasilidad ng AFP na makakuha ng tamang clearance nang maaga at sundin ang umiiral na mga patakaran sa seguridad.

Ang paalala ng AFP ay lumabas kasunod ng mga kamakailang isyu sa pambansang seguridad matapos ma-detain ang tatlong Pilipinong pinaghihinalaang sangkot sa espionage activities mula sa China, ayon sa National Security Council (NSC).

Ayon kay NSC Spokesperson Cornelio Valencia Jr., natunton ng konseho ang umano’y pagpapadala ng mga datos sa Chinese government sa pamamagitan ng LinkedIn at gaming apps.

Ipinaliwanag ni Valencia na nagkaroon ng access ang tatlong Pilipino sa mga naturang impormasyon sa iba’t ibang paraan.

Isa sa kanila ay dating assistant sa Department of National Defense, ang ikalawa ay dating researcher ng Philippine Navy, at ang ikatlo ay may koneksyon sa isang opisyal ng Philippine Coast Guard na may access din sa ilang sensitibong datos.

Dahil dito, nagpatupad din ang Philippine National Police at iba pang ahensya ng mas mahigpit na counterintelligence measures, kabilang ang screening at internal monitoring, upang maiwasan ang infiltration mula sa mga dayuhan.

Ayon sa AFP, sapat na ang kasalukuyang security protocols, ngunit ang patuloy na banta ng espionage at foreign interference ay nagpapakita ng pangangailangan ng mataas na vigilance, lalo na sa mga lugar kung saan may overlap ang access ng publiko at mga military installations.