-- Advertisements --

Ikinababahala ni National Authority for Child Care (NACC) Executive Director Janella Ejercito Estrada ang patuloy na insidente ng online na bentahan ng mga sangol.

Inihalimbawa ng opisyal ang isang entrapment operation na isinagawa ng law enforcement agencies nitong nakalipas na buwan kung saan isang 7-day old na sangol ang tinangkang ibenta ng limang indibidwal.

Dahil dito, umapela ang opisyal sa mga Pilipino na makipagtulungan sa pagsugpo sa naturang problema at mapigilan ang lalo pang paglala ng bentahan ng mga sangol at mga bata

Umapela rin ang opisyal sa publiko na sa halip na bumili ng mga bata ay suportahan na lamang ang administrative adoption at iba pang paraan ng alternative child care, kung gusto ng mga ito na mag-ampon o mag-alaga ng mga anak.

Batay sa datus ng NACC, noong 2023 ay mayroon itong namonitor na 23 Facebook group na nagbebenta ng mga sangol at mga bata.

Nagawa nila itong maibaba hanggang sa lima ngunit kinalaunan, muli aniyang dumami dahil sa kagagawan ng mga child trafficker.

Paliwanag ni Estrada, nakababahala ang naturang modus dahil sa nalalagay sa alanganin ang buhay at kaligtasan ng mga bata o sangol na ibinebenta.

Maaari aniyang kinalaunan ay abusuhin ang mga ito, isailalim sa child labor and exploitation o kung hindi man ay dumanas ng organ harvesting.