KALIBO, Aklan—Ikinagalak at kaagad na ipinagdiwang ng mga kaparian sa lalawigan ng Aklan ang pagtalaga ni Pope Leo XIV kay Rev. Fr. Cyril Villareal, 51-anyos mula sa Archdiocese of Capiz bilang bagong Obispo ng Diocese of Kalibo, araw ng Sabado, Enero 24, 2026.
Papalitan niya si Bishop Jose Corazon Tala-oc, na nagretiro noong Hunyo 2025 matapos ang halos 14 na taong panunungkulan.
Ang anunsyo ay sabay na ginanap sa Roman Curia sa Vatican at sa Apostolic Nunciature sa Maynila, kung saan, nagtipon ang mga obispo ng Pilipinas para sa kanilang plenary assembly.
Habang dito naman sa bayan ng Kalibo ay isinagawa ito sa Bishop’s Residence sa Goding Ramos Street sa nasabing bayan.
Si bishop-elect Villareal ay inordenahan bilang pari noong Mayo 25, 2001 kung saan, nagtapos siya ng pilosopiya sa St. Pius X Seminary sa Roxas City at teolohiya naman sa University of Santo Tomas (UST) sa Maynila.
Mayroon siyang master’s degree at licentiate sa sagradong teolohiya mula sa UST gayundin master’s degree sa teolohiya mula naman sa University of Vienna, Austria.
Nagsilbi din siya sa iba’t ibang tungkulin sa lokal at internasyonal na antas kabilang ang pagiging assistant chaplain at assistant priest sa Vienna mula 2005 hanggang 2010.
Sa lalawigan naman ng Capiz ay naging vicar general at kalaunan ay naging administrator ng archdiocese sa panahon ng sede vacante noong 2021–2023.
Mula Hulyo 2024, siya ay naging kura paroko ng St. Thomas of Villanova Parish sa Dao, Capiz.
















