-- Advertisements --

Kinondena ng youth organization na Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) ang bagong ordinansa ng Lungsod ng Maynila na nagbabawal sa pagsusuot ng balaclava, face mask, helmet, bonnet, at hoodue sa mga tanggapan ng gobyerno at commercial establishments.

Ayon sa ordinansa, kailangang alisin ng mga papasok sa mga lugar na ito ang anumang pantakip sa mukha, habang ang mga motorcycle rider at angkas nito ay obligado ring tanggalin ang helmet kapag bumaba ng motorsiklo.

Iginiit ni Mayor Isko Moreno Domagoso na layunin ng panukala na maiwasan ang krimen at mas mapadali ang pagkakakilanlan sa mga suspek. Gayunman, sinabi ng SPARK na ang malabong probisyon ng ordinansa ay maaaring magdulot ng profiling, at harassment.

Babala pa ng grupo, na ang Anti-Balaclava Ordinance ay posibleng maging instrumento ng pang-aabuso at paglabag sa karapatang pantao.

Sa ilalim ng ordinansa, ang sinumang lalabag ay maaaring pagmultahin ng P1,000 hanggang P5,000, makulong nang hanggang 15 araw, at posibleng makansela ang driver’s license ng mga motoristang hindi susunod.