-- Advertisements --

Kumpyansa si Nanette Castillo, ina ng isa sa mga umanong biktima ng extrajudicial killings (EJK), na mananagot si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kinakaharap nitong kasong crimes against humanity.

Sa naging pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo, ipinahayag ni Castillo ang malaking pag-asa ng kanilang pamilya na kukumpirmahin ng ICC Pre-Trial Chamber ang kaso ni Duterte upang tuluyan itong mauwi sa isang full trial at mapanagot ang dating pangulo.

Mariin ding binuweltahan ni Castillo ang mga naging pahayag ng defense lawyer ni Duterte na si Atty. Nicholas Kaufmann. 

Ayon sa ina ng biktima, puro kalokohan ang sinasabi ng abogado.

Dagdag pa ni Castillo, tila naging isang DDS ang banyagang abogado na bulag sa katotohanan dahil sa pilit nitong pagpapalabas na isang bayani si Duterte.

Matatandaang pinaslang ang anak nitong si Aldrin ng mga hindi pa nakikilalang salarin noong Oktubre 3, 2017 sa Lungsod ng Maynila. 

Ang nasabing insidente ay naitala sa kasagsagan ng madugong war on drugs ng nakalipas na administrasyon.

Kasabay ng pag-usad ng imbestigasyon sa ICC, humiling naman ng panalangin ang pamilya Castillo mula sa publiko para sa pagkamit ng hustisya.