Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga residenteng malapit sa bulkang Kanlaon na magsuot ng face mask upang maprotektahan ang sarili mula sa ashfall.
Ito ay kasunod ng pagputok ng bulkan nitong gabi ng Biyernes.
Naobserbahan kasi ang ashfall sa ilang mga lokalidad kasunod ng pagputok ng bulkan kabilang na sa may Bago City, La Carlota City, Pontevedra at La Castellana sa Negros Occidental at sa Canlaon City sa Negros Oriental.
Kaugnay nito, nagbabala ang DOH na ang ashfall at lahar mula sa bulkan ay maaaring magdulot ng pagkairita ng mga mata at balat at maaaring magdulot ng matinding pag-ubo.
Kayat inaabisuhan ang mga residente na magsuot ng face mask, partikular na ng N95 face mask, magsuot ng safety goggle at eye protection at magsuot ng damit na may mahabang manggas o pants para maprotektahan ang balat.
Samantala, ayon naman kay DOH Negros Island Region Center for Health Development Ass. Regional Dir. Adrian Ramos, ipinadala na ang medical teams kasunod ng pagputok ng bulkan kung saan aktibong ipinaalam ang impormasyon sa mapanganib na epekto ng ashfall sa kalusugan ng mga residente at pinayuhan ang mga ito na manatili muna sa loob ng kanilang mga bahay.
Hinimok naman ng DOH ang mga residente sa Negros na tumawag lamang sa Emergency hotline na 911 o sa Negros Island Region Operations Center para sa assistance.
















