-- Advertisements --

Sisimulan na ang supplemental immunization activity o pagbabakuna kontra measles-rubella sa araw ng Lunes, Enero 19 sa Mindanao.

Ito ay matapos lumobo ang kaso ng dinapuan ng sakit kung saan 73% ang natuklasang hindi bakunado.

Ayon kay Health spokesperson ASec. Albert Domingo, umakyat sa mahigit 5,000 ang kaso ng tigdas at tigdas hangin mula Enero 1, 2025 hanggang Enero 3, 2026. Ito ay 32% na mas mataas kumpara sa naitala noong 2024.

Magiging prayoridad aniya ang Mindanao dahil dito matatagpuan ang mga lugar na may pinakamataas na transmission ng sakit kabilang sa Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Soccsksargen at BARRM.

Ilan pa sa natukoy na mga lugar na may mataas na transmission sa labas ng Mindanao ay sa MIMAROPA at Metro Manila.

Ang isasagawa naman aniyang maagang pagrolyo ng pagbabakuna sa Mindanao ay maiiwasan ang pagkaantala sa pag-obserba ng Ramadan na mag-uumpisa sa Pebrero 17.

Ayon kay ASec. Domingo, target bakunahan sa Mindanao ang mga batang nasa edad anim hanggang 59 na buwang gulang habang ang routine immunizayion naman ay ipagpapatuloy sa buong bansa kung saan ang first dose ay ibabakuna sa mga siyam na buwang sanggol at ang booster vaccine naman ay sa 12 buwang gulang.

Samantala, isasagawa naman ang ikalawang bahagi ng pagbabakuna kontra sa measles-rubella sa Hunyo sa mga lugar sa Luzon at Visayas.