Naglabas ng pagpuna si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte na mariing kumukuwestiyon sa motibo ng mga nasa likod ng proseso ng impeachment case laban sa kaniyang kapatid na si Vice President Sara Duterte.
Ito ay matapos ideklarang “sufficient in form and substance” ng House Committee on Justice ang ikatlo at ikaapat na impeachment complaints kahapon.
Ayon kay Rep. Duterte, hindi na siya nagulat sa desisyon ng komite, ngunit aniya, malinaw na may mga puwersang ginagamit ang impeachment bilang sandata sa pulitika, imbes na itaguyod ang katarungan at patas na pagdinig.
Pinuri rin niya si Rep. Bong Suntay sa paninindigan nitong tumutol sa pagpasa ng mga reklamo, sa kabila ng presyur mula sa kapwa mambabatas.
Binigyang-diin din niya ang babala sa 54 na mambabatas na bumoto pabor sa impeachment na ang kapangyarihang pulitikal umano ay pansamantala, ngunit ang pananagutan sa taumbayan ay panghabangbuhay.
Bukod sa impeachment, binanggit ni Rep. Duterte ang iba pang isyu na umano’y dapat ding pagtuunan ng pansin ng Kongreso at administrasyon, gaya ng imbestigasyon sa umano’y trillion-peso flood control corruption, mga alegasyon ng pamamahagi ng pondo sa pamamagitan ng maleta, panawagan para sa hair follicle drug tests sa lahat ng miyembro ng Kongreso at Senado, kabilang ang “mastermind” ng impeachment at ang kanyang pamilya.
Darating aniya ang panahon na ang taumbayan ang magbibigay ng hatol. At sa araw na iyon, kailangang handa ang bawat isa na manindigan at managot sa kanilang mga ginawa. (report by Bombo Jai)
















