-- Advertisements --

Nagbigay ng babala ang mga awtoridad sa publiko laban sa mga scammer na nagkukunwaring tutulong sa pagrehistro o pag-verify ng account sa eGovPH app.

Ayon sa isang Facebook post ng eGovPH, nakikipag-ugnayan ang mga scammer sa kanilang mga biktima sa pamamagitan ng tawag, email, o chat, at nag-aalok ng umano’y tulong sa pagrehistro.

Pinapa-download ang mga biktima ng pekeng app na ginagaya ang eGovPH mula sa mga pekeng website. Bukod dito, hinihiling rin ng mga scammer na punan ang mga form at magpadala ng live selfies ang biktima.

“Delikado ito! Kapag nasunod mo ang steps nila, puwedeng makompromiso ang account mo at makuha ang laman ng iyong mobile wallets at digital banks. Ingat at huwag magpapadala sa mga nagpapanggap!” ayon sa post.

Pinayuhan rin ang publiko na i-report agad ang mga ganitong insidente sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa pamamagitan ng toll-free hotline 1326, email sa report@cicc.gov.ph o sa eReport feature ng lehitimong eGovPH app, na puwedeng i-download sa Google Play Store, Apple App Store, at Huawei App Gallery.