-- Advertisements --

Isang US-based Filipino doctor na may kliyenteng Hollywood stars at mayayaman na pamilya ang pinapabalitang posibleng palitan si Health Secretary Ted Herbosa, ayon sa kolumnista na si Ramon Tulfo.

Ayon kay Tulfo, si Dr. Ronald Rigor, isang doktor sa Beverly Hills, ay may plano na gamitin ang pondo ng PhilHealth upang masakop ang buong bayad sa ospital para sa mga Pilipino, layuning din daw nitong alisin ang out-of-pocket expenses para sa mga pasyenteng na-admit.

“Ang papalit kay Ted Herbosa bilang health secretary, si Dr. Ronald Rigor, ay nagbabalak na gamitin ang lahat ng pera ng Philhealth para sa ‘zero balance’ hospitalization,” ani Tulfo sa kanyang social media.

Sinabi rin ni Tulfo na nais ni Rigor isama ang ilang private hospitals sa coverage ng zero-balance system kung siya ay maitalaga bilang health secretary.

Inilarawan pa ni Ramon si Rigor bilang multimillionaire na may kilalang beauty clinic sa Beverly Hills na kliyente ang mga Hollywood stars tulad nina Angelina Jolie at Johnny Depp. Bukod dito, siya ay consultant sa 130 homes for the elderly.

Sinabi rin ni Tulfo na handang i-renounce ni Rigor ang kanyang US citizenship kung aalukin sa kanya ang posisyon bilang health secretary.

Ang usapin ng posibleng pagpapalit kay Herbosa ay lumakas kasunod ng mga alegasyon ng katiwalian sa Department of Health (DOH).

Ayon sa DOH employees, si Herbosa ay umano’y may conflict of interest dahil sa pagkaka-fraternize sa health contractor na Zuellig Pharma, kabilang na ang pagdalo sa company-sponsored trips at pagtanggap ng mga regalo.

Kabilang pa sa mga alegasyon ang P1.29 billion cash transfer sa UNICEF para sa bakuna at essential medicines mula Pebrero 2024 hanggang Hulyo 30, 2024, na hindi pa naliliquidate; Pag-apruba sa karagdagang P524.9 million para sa pagbili ng bakuna mula sa UNICEF habang hindi pa naliliquidate ang naunang pondo; P98 million na gastusin sa DZMM program na pinamumunuan umano ni Herbosa kasama si DOH Health Promotion Bureau Director Tina Marasigan at Assistant Secretary Albert Domingo.

Kinuwestiyon din ni Tulfo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa umano’y kakulangan ng background check kay Herbosa bago ito i-appoint.

Patuloy pang kinukuhaan ng panayam ng Bombo Radyo Philippines ang DOH ukol sa isyu ngunit wala pa itong tugon sa amin.