Nagpadala na umano si Health Secretary Ted Herbosa ng kaniyang letter of resignation kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Lunes, Hunyo 13.
Base sa kopiya ng kaniyang sulat na naka-address sa Department of Health, sinabi ni Herbosa na kasunod ng kaniyang naging operasyon sa tuhod, napagtanto niyang kailangan niyang alagaan ang kaniyang sarili.
Sinabi rin ni Herbosa na sasailalim siya sa extensive rehabilitation sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan.
Humingi rin ng tawad si Herbosa sakaling may nabigo man siya habang nagsisilbing kalihim ng DOH.
“If I have failed anyone during my stint, I apologize. Tao lang po. All the best,” ayon kay Herbosa.
Kasalukuyan ding hinihingan ng Bombo Radyo ng pahayag ang tagapagsalita ng DOH na si Usec. Albert Domingo kaugnay ng napaulat na pagbibitiw ni Herbosa.
Wala ring kumpirmasyon pa sa ngayon mula sa Malacañang kaugnay dito.
Matatandaang nauna nang kinumpirma ni Health spokesperson at USec. Albert Domingo na mula Hulyo 6 pa naka-sick leave ang kalihim matapos sumailalim sa knee replacement surgery.
Iniulat naman ni Usec. Domingo na naging matagumpay ang isinagawang operasyon at kasalukuyan nang sumasailalim sa physical therapy at rehabilitation si Herbosa.
Pansamantalang humalili kay Herbosa bilang officer-in-charge ng DOH si Domingo.
















