Hindi pinayagan ng Sandiganbayan ang dalawang cashiers mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) MIMAROPA na tumestigo sa bail hearing o pagdinig sa petisyon para sa piyansa ng kanilang kasamahan na kapwa-akusado ni Zaldy Co sa kasong malversation.
May kinalaman ang naturang kaso sa depektibong road dike project sa Oriental Mindoro.
Hiniling kasi ng prosekusyon na ipresenta ang dalawang DPWH cashiers na sina Carla Grace Dajonong at Pilar Gacutan para tumestigo na nakatanggap ang construction firm na Sunwest Inc. ng bayad mula sa regional office sa pamamagitan ng electronic disbursement management system ng Land Bank of the Philippines.
Subalit, pinagtibay ng Sixth Division ng anti-graft court ang pagtutol ng depensa.
Ikinatuwiran kasi ng defense counsel ni ex-DPWH MIMAROPA Regional Director Gerald Pacanan na si Atty. Claudette Manalastas na hindi nakalista ang mga testigo sa pre-trial brief ng prosekusyon, kayat ang pagpayag umano sa kanila para tumestigo ay lalabag sa karapatan ng akusado na malaman ang mga testigo laban sa kanila.
Kasunod ng desisyon ng korte, nagmosyon ang prosekusyon para irekonsidera ito at iginiit na ang testimoniya ng mga cashier ay mahalaga dahil mayroon silang access sa electronic disbursement management system gaya ng isinalaysay ng naunang testigo na si DPWH-MIMAROPA finance division chief Cecilia Vicquerra. Subalit, pinanindigan ng korte ang pagtutol ng depensa.
Paliwanag ni Associate Justoce Kevin Vivero, hindi maaaring bigyan ng kaluwagan ang prosekusyon nang walang matibay at balidong dahilan dahil sa kabiguang isama ang lahat ng testigo.
Kaugnay nito, hiniling ng prosekusyon sa korte na isama ang judicial affidavits at supplemental documents ng dalawang DPWH MIMAROPA cashiers sa records, bagay na itinala naman ng korte.















