-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na tatapusin sa loob ng taong ito ang mga pangunahing connectivity road projects sa Samar Island upang mapabilis ang daloy ng kalakal at ibaba ang gastos sa transportasyon sa rehiyon.

Ang naturang pangako ay pormal na ipinaabot ni DPWH Secretary Vince Dizon sa isang pulong kasama si House Minority Leader Marcelino Nonoy Libanan at DPWH Regional Director Edgar Tabacon sa DPWH Regional Office 8.

Ayon sa ulat, pangunahing tinututukan ngayon ang Maydolong, Eastern Samar – Basey, Samar Road Project, kung saan nasa walong kilometro na lamang ang kailangang tapusin.

Kasama rin sa minamadaling mabuksan ay ang Jipapad, Eastern Samar – Las Navas, Northern Samar Road Project na direktang mag-uugnay sa dalawang probinsiya.

Maliban sa mga kalsada sa loob ng isla, isiniwalat din ni Dizon ang mga hakbang para sa pagtatayo ng malalaking tulay na magkokonekta sa mga pangunahing isla ng bansa.

Kasalukuyan nang gumugulong ang aabot sa ₱130-milyong feasibility study para sa Sorsogon-Northern Samar Link Bridge na magdudugtong sa Luzon at Visayas.

Samantala, nakatakda ring maglaan ng pondo pagsapit ng taong 2027 para naman sa feasibility study ng tulay na mag-uugnay sa Southern Leyte at Surigao sa Mindanao.

Ayon kay Rep. Libanan, ang mga nasabing proyektong pang-imprastraktura ay itinuturing na game-changer para sa Eastern Visayas dahil inaasahang magpapaangat ito sa antas ng pamumuhay ng mga Samareño, gayundin sa sektor ng ekonomiya at turismo ng bansa.