Nagpatupad na ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon ng mandatoryong pagsusuot ng face mask sa lahat ng indoor at outdoor settings kung saan hindi naipapatupad ang physical distancing alinsunod sa Executive Order No. DHT-60.
Ito ay sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng sakit tulad ng sipon, ubo, influenza-like illnesses at severe respiratory infections katulad ng community acquired pneumonia, batay sa inisyung abiso ni Quezon Governor Helen Tan, na isa ring doktor.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang sinumang may sintomas gaya ng sipon, pananakit ng lalamunan, o lagnat ay dapat agad mag-self-isolate, bagaman mananatiling opsyonal ang pagpapasuri o testing.
Hinimok din ang publiko na magpabakuna laban sa flu at pneumococcal diseases, at patuloy na panatilihin ang tamang kalinisan at pagsunod sa minimum health standards.
Samantala, inihayag ng Public Information Office ng Lucena City na suspendido muli ang face-to-face classes sa lahat ng antas, pampubliko man o pribado, mula ngayong Lunes, Oktubre 20 hanggang sa Miyerkules, Oktubre 22, bilang pag-iingat laban sa pagkalat ng flu at pulmonya.