-- Advertisements --

Nag-utos ang Maritime Industry Authority (MARINA) sa lahat ng Philippine-registered ships na bumibiyahe sa international routes na ipatupad ang mas mahigpit na seguridad dahil sa umiinit na tensyon sa pagitan ng US at Iran. Saklaw nito ang mga shipping companies, shipowners, operators, managers, at manning agencies.

Pinayuhan ang mga barko na bantayan ang mga advisory mula sa International Maritime Organization (IMO), United Kingdom Maritime Trade Operations (UKMTO), at iba pang flag state authorities. Inatasan din silang panatilihin ang mahigpit na komunikasyon, at agad i-report ang anumang insidente o kahina-hinalang aktibidad.

Binigyang-diin ng MARINA na dapat unahin ang kaligtasan at kapakanan ng mga Filipino seafarers. Sa oras ng panganib o agarang pangangailangan, dapat makipag-ugnayan sa pinakamalapit na Philippine Embassy o Consulate at sa Department of Migrant Workers (DMW). Dapat rin i-report ang kasalukuyang lokasyon, susunod na port, at operational status ng barko sa kumpanya, na siyang magpapaabot sa MARINA.

Ayon sa Department of Foreign Affairs, nananatili sa Alert Level 2 ang Iran at Israel, kaya pinapayuhan ang mga Pilipino roon na manatili sa ligtas na lugar at iwasan ang high-risk areas. Nilinaw naman ng Department of National Defense na walang direktang banta sa Pilipinas dahil hindi ito kalahok sa sigalot. (report by Bombo Jai)