Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng kabuuang 28 kaso ng mga nasugatan dahil sa paputok sa buong bansa ngayong araw ng Pasko.
Sa advisory na inilabas nitong Disyembre 25, sinabi ng DOH na walong bagong kaso ang naitala mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 25 ng alas-4 ng madaling araw.
Ayon sa datos, 68 porsiyento ng mga biktima ay 19 taong gulang pababa.
Karamihan sa mga naputukan ay dulot ng mga paputok na gawa sa boga, 5-star at triangle.
Hinimok ng DOH ang publiko na agad dalhin sa ospital ang mga biktimang naputukan at tumawag sa National Emergency Hotline na 911 para sa agarang tulong medikal.
Gayunman, sinabi ng ahensiya na mas mababa pa rin ng 50 porsiyento ang bilang ng mga kaso kumpara sa 58 firecracker-related injuries na naitala noong nakaraang taon sa kaparehong araw.
Ang datos ay nagmula sa 62 sentinel hospitals na mino-monitor ng DOH.
Samantala tatagal ang holiday monitoring ng DOH hanggang Enero 5, 2026, kasabay ng panawagan na iwasan ang paggamit ng paputok para sa mas ligtas na pagdiriwang ng bagong taon.
















