-- Advertisements --

Tiniyak ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Ping Lacson na hindi maaapektuhan ang substance o laman ng kanilang partial committee report ukol sa flood control anomaly kahit pa may baguhin sa mga ginamit na lengguwahe.

Ayon kay Lacson, kasalukuyan pang working progress ang naturang ulat matapos mapagkasunduan sa pulong ng mga miyembro ng komite kahapon na ayusin ang ilang termino o phraseology.

Gayunman, nilinaw ng senador na ang rebisyon ay para lamang maging mas katanggap-tanggap ang pagkakasulat nito at hindi para baguhin ang resulta ng imbestigasyon.

Sa oras na maayos na ang mga terminolohiya, agad na itong paiikutin para makakalap ng sapat na pirma.

Kailangan ng Blue Ribbon Committee na makakuha ng lagda mula sa labing-isang miyembro para pormal na maihain o ma-report out ang dokumento sa Senate plenary at masimulan na ang debate.