Iginiit ni Sen. Panfilo Lacson na kailangang ilahad sa publiko ang tamang impormasyon sa isinasagawang imbestigasyon sa flood control projects, kasabay ng plano niyang iakyat sa plenaryo ang progress report ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ayon kay Lacson, layunin nitong kontrahin ang “false narratives” at ipakita ang mga ebidensyang lumabas sa pitong hanggang walong pagdinig, na aniya’y nakatulong sa pagbuo ng mga kaso laban sa mga sangkot.
Samantala, binigyang-diin naman ni Sen. Alan Peter Cayetano na hindi dapat mag-focus lang sa partial report ang Senado, kundi sa kabuuang larawan ng umano’y sistematikong problema sa flood control projects.
Aniya, marami pang aspeto ang dapat busisiin at hindi lahat ng proyekto ay “ghost projects,” kaya’t mahalagang ipagpatuloy ang mas malalim na imbestigasyon.
Sa kabila nito, nanindigan si Lacson na mahalagang maipresenta sa publiko ang progreso ng imbestigasyon upang mapanatili ang transparency at accountability. (report by Bombo Jai)
















