Habang patuloy na bumabangon ang mundo mula sa epekto ng pandemya ng Covid-19, nananawagan ang mga health experts ng mas mataas na antas ng pag-iingat sa gitna ng pagdami ng kaso ng influenza A na iniuugnay sa mabilis kumalat na H3N2 subclade K variant, na tinatawag ng ilan bilang “superflu.”
Nilinaw ng mga health authority na ang “superflu” ay hindi bagong sakit at hindi rin opisyal na terminong medikal, kundi isang tawag na ginagamit ng media upang ilarawan ang isang uri ng seasonal influenza A (H3N2) na mas malawak ang pagkalat ngayong flu season.
Ayon sa mga ulat mula sa United States, United Kingdom, Europa, at ilang bahagi ng Asya, tumataas ang hawaan ng trangkaso na may kaugnayan sa nasabing subvariant, na posibleng bahagyang nakakaiwas sa immunity mula sa dating impeksiyon o bakuna.
Sa Pilipinas, kinumpirma ng Department of Health (DOH) at iba pang local surveillance systems ang pagtaas ng mga kaso ng influenza A (H3N2) subclade K sa iba’t ibang panig ng bansa.
Gayunman, iginiit ng mga opisyal na karamihan sa mga pasyente ay gumagaling, at wala pang naitatalang hindi pangkaraniwang pagtaas ng bilang ng mga namamatay.
Binigyang-diin ng mga eksperto na nananatiling mahalaga ang mga batayang hakbang sa kalusugan ng publiko na napatunayang epektibo laban sa mga sakit sa paghinga. Kabilang dito ang madalas na paghuhugas ng kamay, tamang cough etiquette, pagsusuot ng mask kung may sintomas, at pag-iwas sa pakikisalamuha kapag may sakit.
Bagama’t inalis na ang karamihan sa mga mask mandate, patuloy na inirerekomenda ng mga eksperto ang pagsusuot ng mask kung may sakit o nasa mataong indoor areas, gaya ng mga palengke, simbahan, at pampublikong transportasyon.
Nanawagan din ang mga awtoridad ng maagang pag-konsulta sa doktor, lalo na para sa mga senior citizen, immunocompromised individuals, at mga may underlying health conditions, upang maiwasan ang posibleng komplikasyon.
Muling iginiit ng World Health Organization (WHO) na ang bakuna laban sa trangkaso ay nananatiling mahalagang sandata. Ayon sa WHO, kahit may pagkakaiba ang circulating viruses sa mga strain na nasa bakuna, nakatutulong pa rin aniya ito sa pag-iwas sa malubhang sintomas at komplikasyon, lalo na sa mga high-risk group.















