-- Advertisements --

Ikinalungkot ng World Health Organization (WHO) ang abiso ng Estados Unidos na ito’y tuluyang aalis na bilang kasapi ng organisasyon.

Ayon sa WHO, malaki ang naging ambag ng Amerika sa mga tagumpay ng organisasyon, kabilang ang paglipol sa smallpox at paglaban sa polio, HIV, Ebola, influenza, tuberculosis, malaria, at iba pang sakit.

Ipinahayag ng WHO ang panghihinayang sa desisyon ng USA na makakaapekto hindi lamang sa kanilang bansa kundi sa kaligtasan ng buong mundo.

Ang usapin ay tatalakayin ng WHO Executive Board sa Pebrero 2, 2026 at ng World Health Assembly sa Mayo 2026.

Tinuligsa ng Estados Unidos ang umano’y kabiguan ng WHO sa pagtugon sa COVID-19 pandemic, ngunit iginiit ng WHO na mabilis at malinaw ang kanilang naging aksyon sa pagbabahagi ng impormasyon at pagbibigay-gabay sa mga bansa.

Mariin ding itinanggi ng WHO ang paratang na ito’y naging politisado at pinamunuan ng mga bansang laban sa interes ng Amerika, at iginiit na nananatili itong impartial at tapat sa lahat ng 194 Member States.

Umaasa ang WHO na sa hinaharap ay muling makikilahok ang Estados Unidos, habang patuloy nitong tinutupad ang mandato na tiyakin ang pinakamataas na antas ng kalusugan bilang karapatan ng lahat ng tao.