Umabot na sa 936 ang naitalang bagong kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa Central Visayas mula Enero hanggang Setyembre 2025, ayon sa pinakahuling datos ng Department of Health.
Mayroon itong monthly average na 104 na kaso na nagpapakita ng patuloy na pagtaas nito sa rehiyon.
Aminado pa ang kagawaran na marami pa ring mamamayan sa rehiyon ang hindi pa naaabot ng HIV testing at treatment services.
Dahil dito, nanawagan ang ahensya na mas paigtingin ang pagpapasuri upang matukoy nang mas maaga ang impeksyon at maiwasan ang patuloy na pagkalat nito.
Batay sa ulat ng DOH-Epidemiology Bureau, panglima ang Central Visayas sa mga rehiyong may pinakamataas na naitalang bagong kaso, habang humigit-kumulang 19,200 katao na ang tinatayang nabubuhay na may HIV sa rehiyon hanggang Setyembre 2025.
Nanawagan naman si Regional Director Dr. Joshua Brillantes na palakasin ang suporta at malasakit para sa mga apektado, at paigtingin ang access sa testing at gamutan.
Binigyang-diin niya na mahalagang masugpo ang stigma upang mas maraming komunidad ang mahikayat na magpasuri at magpagamot.















