-- Advertisements --

Pumalo na sa kabuuang 655 ang bilang ng mga naitalang fireworks-related injuries sa buong bansa dahil sa paputok noong selabrasyon ng Pasko at Bagong Taon, ayon sa Department of Health (DOH).

Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy na pagkalap ng mga datos ng DOH-Epidemiology Bureau kung saan naitala mula Disyembre 21, 2025 hanggang Enero 3, 2026 ang kabuuang bilang, 351 sa mga biktima ay nasa edad 19 pababa, at lahat ay nagtamo ng iba’t ibang uri ng paso at pinsala.

Batay pa sa datos ng ahensya, 19 na katao ang nawalan ng kamay o daliri, kung saan 11 ay mga menor de edad. Ang pinakabatang biktima ay isang apat na taong gulang na bata na nawalan ng daliri sa kanang kamay.

Karamihan sa mga kaso ay mula sa hindi matukoy na uri ng paputok, dahil hindi na matandaan o matukoy ng mga biktima ang ginamit. Sumunod dito ang mga insidenteng dulot ng kwitis (sky rocket) at ng ilegal na 5-star.

Gayunman, sinabi ng DOH na ang kasalukuyang bilang ay 20 porsiyentong mas mababa kumpara sa naitalang 819 na kabuuang kaso noong Enero 3, 2025.

Pinaalalahanan naman ang publiko na agad dalhin sa pinakamalapit na ospital ang sinumang mapuputukan ng paputok upang makakuha ng libreng bakuna, at maiwasan tetanus na kailangang maibigay sa loob ng 8 hanggang 21 araw.