-- Advertisements --

Hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga mananampalataya na isabuhay ang “digital fasting” bilang bahagi ng pagninilay ngayong Kuwaresma.

Sa pastoral letter na pinamagatang “Fasting Beyond Food: Inviting Christ into Digital Media Use,” sinabi ng CBCP na ang Kuwaresma, na magsisimula sa Pebrero 18, ay panahon ng panibagong paglapit sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin, pag-aayuno, at gawa ng awa.

Ayon sa mga obispo, bukod sa pagkain, maaari ring iayuno ang labis na paggamit ng cellphone, social media, streaming, at online games na nakaaagaw ng pansin at nakaaapekto sa interior life. Nilinaw nilang hindi ito laban sa teknolohiya, kundi paanyaya na suriin kung paano gagamitin ang digital media ayon sa gabay ni Kristo.

Ilan sa mungkahi ng CBCP ang pag-iwas sa paggamit ng telepono bago matulog at pagbangon, device-free meals, pagbabawas ng social media time, at paminsang 24-hour digital fast.

Ayon sa liham na nilagdaan ni CBCP President at Lipa Archbishop Gubbert A. Garcera, makatutulong ang digital fasting upang mapalalim ang relasyon sa Diyos, mapanatili ang kapayapaan ng isip, at mapatatag ang ugnayan sa pamilya at komunidad. (report by Bombo Jai)