Nanindigan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na mahalagang magpatuloy ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte alinsunod sa Konstitusyon at rule of law.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, hindi kumakampi ang Simbahang Katolika sa pabor o laban sa Bise Presidente. Aniya, layunin ng Simbahan na tiyaking masunod ang rule of law at hayaang dumaan sa tamang proseso ang impeachment.
Iginiit din ni Bagaforo na mahalaga ang hustisya at pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno, lalo na sa harap ng mga alegasyon ng katiwalian. Aniya, ang mga pinuno ng bansa ay dapat managot sa tiwalang ipinagkaloob sa kanila ng taumbayan.
Samantala, kinilala rin ng CBCP na nahahati ang mga Pilipino dahil sa magkakaibang paniniwalang pampulitika. Dahil dito, nanawagan ang Simbahan ng pagkakaisa at hinikayat ang publiko na unahin ang kabutihang kaysa sa ”personal politics.”
“Totoo, masyado tayong divided ngayon. Napakaraming kulay na ang ating mga sambayanan. Merong pula, merong pink, may yellow. Ano pa, different color, may green pa. At ang dasal natin, ang dasal natin… sana, magkaisa tayo,” ani Bishop Bagaforo.
Ayon pa sa CBCP, patuloy nitong gagampanan ang papel bilang ”moral conscience” ng sambayanan habang nakatutok ang publiko sa nagpapatuloy na impeachment proceedings sa Senado.
















