Inihayag ni Vice President Sara Duterte nitong Sabado, Pebrero 21, na noong nakaraang taon pa niya na-recruit ang kanyang magiging running mate para sa 2028 presidential elections. Ngunit hindi niya isiniwalat ang pangalan nito upang “maprotektahan” pagkakakilanlan nito.
Maaalalang noong Miyerkules, sinab ni VP Sara na siya ay tatakbo bilang pangulo sa 2028.
Ipinaliwanag din niya ang papel ng kanyang vice president, kung sakaling siya ang manalo, na magiging responsable sa pagpapanagot sa mga gumagawa ng mali habang nakatutok siya sa tungkulin bilang pangulo.
Aniya, hindi rin niya agad ipinaalam kay dating Rodrigo Duterte ang kanyang maagang deklarasyon.
Tanging ang kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio, mga anak, at ilang staff na tumulong sa pagsulat ng kanyang Tagalog speech ang nakakaalam.
Naipaalam din niya sa kanyang ina, na si Elizabeth Zimmerman ang desisyon.
Sinabi ng Bise Presidente na nagpasya siyang mag-anunsyo nang maaga dahil sa sigaw at hiling ng kanyang mga tagasuporta.
Tinukoy din niya ang dating pahayag ng kanyang ama noong 2021 na ang pagiging pangulo ay “hindi para sa kababaihan.”
Ayon kay VP Sara, walang kinalaman ang kasarian sa kakayahan ng isang tao na pamunuan ang bansa.
“Sa tingin ko sa lahat ng bagay, hindi lang sa pagiging pangulo, ay walang gender consideration… Ang pagiging pangulo, walang kasarian,” aniya.
















