-- Advertisements --

Nagsagawa ng mga anti-government protest ang mga estudyante sa ilang unibersidad sa Iran noong Sabado, ang unang malakihang rally mula noong nakaraang buwan nang ipinatupad ng pamahalaan ang marahas na crackdown sa mga mamamayan.

Ayon sa ulat, daan-daang mga estudyante sa Sharif University of Technology ang nagmartsa habang sinisimulan ang bagong semestre.

Naiulat din ang kaparehong kilos-protesta sa lungsod ng Mashhad.

Ang mga nagpoprotesta ay nag-alay-pugay sa libu-libong namatay sa mga nakaraang nationwide protests na maalalang hinarang ng pamahalaan.

Marami rin sa kanila ang nanawagan sa ilang mga estudyante na magsagawa ng mga kilos protesta ngayong araw ng Linggo.

Kasabay nito, una nang nagbigay pahiwatig ang Estados Unidos matapos mamataan ang presensya ng militar nito malapit sa karagatan ng Iran, at sinabi ni U.S. President Donald Trump na handa siyang mag-utosng military strike.

Matatandaang matagal nang pinaghihinalaan ng US at mga European allies na posibleng nagtatangkang gumawa ng nuclear weapon ang Iran, na mariing itinanggi ng pamahalaan ng Iran.

Sa kabilang dako nakatakda namang isagawa ang isang meeting sa Switzerland sa Martes ng mga opisyal ng US at Iran upang pag-usapan ang curbing ng nuclear program, at ayon kay Trump, malalaman ng mundo sa loob ng susunod na 10 araw kung magkakaroon ng kasunduan o kung magpapatupad sila ng aksyong militar.

Habang lumalakas ang tensyon, lumabas din ang mga hindi beripikadong videos ng mga sit-in protest sa Beheshti University at ng ilang sagupaan sa pagitan ng pro- at anti-government groups sa ibang unibersidad sa Tehran.

Hindi pa tiyak kung may mga naaresto sa mga kilos-protesta.

Noong Enero, iniulat ng Human Rights Activists News Agency (Hrana) ang pagkamatay ng hindi bababa sa 6,159 katao, kabilang ang 92 bata at 214 na may kaugnayan sa madugong crackdown.

Ayon sa pamahalaan ng Iran, higit sa 3,100 katao ang namatay, karamihan daw dito ay mga security personnel o bystanders.

Sa kabila nito nananawagan ang ilang exiled opposition ng mabilis na aksyon mula sa Amerika, may mga grupo rin na tumututol sa pakikialam ng ibang bansa sa Iran. Ginagamit lang din daw ng dalawang bansa ang social media para buuin ang kani-kanilang kwento sa buong mundo.