-- Advertisements --

Kinumpirma ni Iran Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei nitong Sabado (local time) na libu-libong tao na ang namatay sa nagdaang protesta sa Iran, at inilarawan ang ilang pagkamatay bilang isang “inhuman, savage manner.”

Ang marahas na demonstrasyon ay kasunod ng mga protesta na nagsimula noong Disyembre 28 dahil sa mga suliraning pang-ekonomiya ng Iran at panawagan na wakasan na ang pamumuno ni Khamenei.

Ayon sa US-based Iranian Human Rights Activists News Agency (HRANA), hindi bababa sa 3,090 katao ang nasawi sa malawakang protesta, habang may ilang aktibistang grupo ang nagtataya ng mas mataas na bilang. Bagama’t aminado ang envoy na hirap parin silang makumpirma ang eksaktong numero dahil sa internet blackouts.

Sa kabilang banda, sinisi naman ni Khamenei ang Estados Unidos sa kaguluhan, tinawag si U.S. President Donald Trump na “criminal” at sinabi na ang layunin ng Amerika ay “lamunin ang Iran.” Dagdag ng Supreme Leader na dapat panagutin ang US sa mga kaguluhan sa Iran.

Ginawa ni Khamenei ang pahayag matapos unang imungkahi ni Trump na magpatuloy sa protesta ang mga Iranians kasunod ng bantang tutugon ang Amerika kung magpapatuloy ang pamamaslang ng Iranian security forces.

Noong Miyerkules, sinabi ni Trump na narinig niya na huminto na ang pagpatay sa Iran, ngunit hindi nito isinantabi ang posibleng aksyon sa hinaharap.

Tinawag ng pamahalaan ng Iran ang mga demonstrasyon bilang “riots” na pinasimulan umano ng mga kaaway ng bansa dahil dito napilitan umano na gumamit ang security forces ng marahas na puwersa, kung saan ayon sa ulat may mga video ng pamamaril.

Samantala, nananatiling 2% lamang ng normal ang internet connectivity sa Iran, ayon sa cyber monitor na NetBlocks.

Bagama’t bumaba ang mga ulat ng kaguluhan nitong mga nakaraang araw, mahirap pa rin tasahin ang sitwasyon dahil sa limitadong komunikasyon.

Ayon naman sa US State Department, iniulat na naghahanda na ang Iran ng mga opsyon upang atakihin ang mga American bases ngunit babala ng US anumang atake ay sasagutin nila ng “a very, very powerful force.”

Payo ng Washington sa Tehran “not to play games with President Trump.”

Binigyan din ng partial withdrawal ng US at UK ang personnel nito sa Al-Udeid air base sa Qatar bilang precautionary measure.