Mariing pinabulaanan ng kampo ng mga biktima ang pahayag ni Atty. Salvador Panelo na nabasag na umano ang teorya ng prosekusyon sa pagdinig ng International Criminal Court laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay human rights lawyer Atty. Neri Colmenares, wala siyang nakikitang indikasyon na “shattered” ang kaso.
Sa halip, aniya, lalo pang napatibay ang paninindigan na malakas ang ebidensya ng prosekusyon at mahina ang depensa.
Tinuligsa rin niya ang argumento na hindi “widespread” ang mga pagpatay.
Giit ni Colmenares, sa mga kasong crimes against humanity, hindi kinakailangang may pormal na pagpupulong upang mapatunayang may common plan. Aniya, hindi kapani-paniwala na ang libo-libong pagpatay ay basta na lamang resulta ng hiwa-hiwalay at random na aksyon ng mga pulis.
Pinuna rin niya ang paglalarawan ng depensa na “minimal” lamang ang bilang ng mga nasawi, na aniya’y nakasasakit sa mga pamilya ng mga biktima.
Samantala, sinabi ng abogado ni Duterte na si Nicholas Kaufman na “bizarre” ang alegasyong naglunsad ang dating pangulo ng malawakang pag-atake laban sa populasyon.
Nagtanong din siya kung dapat ding imbestigahan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa gitna ng pahayag na nagpatuloy umano ang vigilante killings kahit tapos na ang termino ni Duterte.
Iginiit ng kampo ng mga biktima na walang motibong pulitikal ang kaso, at naihain ang reklamo noong 2018, bago pa man maupo sa puwesto si Marcos, bilang bahagi ng kanilang paghahanap ng hustisya.
















